Marami ang hindi naniniwala na ang Biblia ay Salita ng Dios. Nakalulungkot na katotohanan na maging ang mga nagsasabing sila ay mga Cristiano ay hindi naniniwala sa Biblia. Ang sabi ng iba ay hindi sila naniniwala sa Biblia dahil ito ay gawa lamang ng tao. Ang pangangatuwirang ito ay baluktot. Dahil ba sa ito ay gawa lamang ng tao ay hindi na dapat paniwalaan? Paano ang mga aklat na ginagamit sa mga paaralan? Di ba’t ang lahat ng mga aklat sa daigdig ay gawa din ng mga tao? Mas hindi naman kapani-paniwala kung sasabihin natin na ang Biblia ay gawa ng mga hayop! Ang leksyong ito ay naglalayon na mahikayat ang tagapakinig na ang Biblia ay Salita ng Dios at/o naglalaman ng mga salita ng Dios na dapat tanggapin ng mga tao.
I. Paanong nagkaroon ng salita ang Dios sa lupa at napasulat sa mga aklat?
1. Ang Dios ay
nagsalita … HEB. 1:1
Heb 1:1 Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa
ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa
pamamagitan ng mga propeta,
Malinaw na ang Dios ay nagsalita at ito
nuong unang panahon. Nagsalita ang Dios
sa ating mga magulang o mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang
paraan. Nagsalita at nangusap ang Dios
sa mga tao sa pamamagitan ng mga propeta.
Kaya hindi kataka-taka na magkaroon ng salita ang Dios sa lupa dahil ang
Dios ay nagsalita.
2. Nagsalita sa mga
huling araw sa pamamagitan ni Jesucristo … HEB. 1:2
Hindi lamang sa mga panahong yaon
nagsalita ang Dios. Kung itutuloy natin
ang basa sa Hebreo 1:2 ay maliwanag na makikita na ang Dios ay patuloy na
nagsalita sa mga tao sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng Panginoong
Jesus na Kanyang bugtong na Anak:
Heb 1:2 Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na
ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng
lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan;
3. Salita ni Cristo—
Salita ng Dios … JN 12:49; 8:28
Joh 12:49 Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa
aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin
ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.
Joh 8:28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo
ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong
ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa
itinuro sa akin ng Ama.
Anomang bagay na ipinangaral at sinalita
ni Cristo ay hindi mula sa Kanyang sarili kundi ito ay nagmula sa Amang
Dios. Ang Amang Dios na nagsugo kay
Jesus ang Siyang nagbigay din ng utos at nagturo sa Kanya ng mga bagay na Kanyang sasabihin at
sasalitain. Kaya nasabi sa Hebreo 1:2 na
ang Dios ay nagsalita sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
4. Inilagay ng Dios
Ama ang kaniyang mga salita sa bibig ni Cristo … Duet. 18:18,19.
Ang katotohanang ito ay nagkaroon na ng
paunang banggit ang Biblia sa pamamagitan ng propesiya na sinulat ni Moises
ilang libong taon na ang nakakaraan bago sinugo ng Dios si Jesus sa
sanglibutan:
Deut 18:18 Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta
sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga
salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking
iuutos sa kaniya.
Deut 18:19 At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa
aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking
sisiyasatin yaon sa kaniya.
Matapos
magsalita ang Dios, ano ang Kanyang ipinagawa sa Kanyang mga salita?
2. Ipinasulat ang
mga salita … JER. 30:1-2
Ang
mga salita ng Dios ay hindi nanatiling nakatiwangwang lamang at
nagpasalin-salin sa pamamagitan ng bibig ng tao na gaya ng mga tradisyon o
salit saling sabi. Matapos magsalita ang
Dios ay ipinasulat Niya ang Kanyang mga salita.
Gaya halimbawa ng Kanyang ipinag-utos kay Propeta Jeremias sa Lumang
Tipan:
Jer 30:1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula
sa Panginoon, na nagsasabi,
Jer 30:2 Ganito ang sinasalita ng Panginoon, ng Dios
ng Israel, na nagsasabi, Iyong isulat sa isang aklat ang lahat ng mga salita
na aking sinalita sa iyo.
Ito ay isang malinaw na halimbawa na
ipinasulat ng Dios ang Kanyang mga salita sa aklat.
Bakit ipinasusulat nuon ng Dios ang
Kanyang mga salita? Ano-ano ang mga
layunin ng Dios sa Kanyang pagpapasulat ng Kanyang mga salita? Tingnan natin ang sinasabi ng Biblia sa aklat
na isinulat ni propeta Isaias:
Isa 30:8 Ngayo'y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa
isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong
darating na walang hanggan.
1. Upang manatili sa
panahong darating … ISA. 30:8
Upang manatili sa panahong darating. Kaya nga ang layunin na ito ng Dios ay ating
nasasaksihan hanggang sa panahon natin ngayon na ang Kanyang mga salita ay patuloy
na nagagamit.
Bukod sa pananatili ng salita ng Dios
hanggang sa ating mga panahon, ano pa ang layunin ng Dios sa pagpapasulat ng
Kanyang mga Salita?
2. Napasulat sa
ikatututo natin … ROM. 15:4
Rom 15:4 Sapagka't ang anomang mga bagay na isinulat
nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng
pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.
Kaya
sa pamamamagitan ng Biblia sa panahon natin ngayon ay natututo ang tao ng mga
kalooban ng Dios. Ang Kanyang mga salita
ay nag-uudyok sa atin na magtiis at nagbibigay kaaliwan at pag-asa.
3. Sa pagpapaalala
sa atin … 1COR. 10:11
1Co 10:11 Ang mga bagay na ito nga'y nangyari sa kanila
na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na
mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.
Ang
tinutukoy ni apostol Pablo ay ang mga bagay na nangyari nuong unang mga panahon
sa Israel na nangyari sa kanila upang magsilbing halimbawa at pagpapaalala sa
atin.
II. Ano ang ilang mga
katangian ng salita ng Dios kung kaya’t nararapat lamang na paniwalaan ng tao
na ang Biblia ay galing nga sa Dios?
Maraming
mga aklat at mga may akda ng aklat ang maaaring magsabi na ang mga yaon din ay
mga salita na galing sa Dios. Subalit
papaano naman mapatutunayan na salita nga ng Dios ang nakasulat? Ano-ano ang maaaring maging ebidensya na
galing nga sa Dios ang isang mensahe?
Sang-ayon sa Biblia, ano ano ba ang ilang mga katangian ng salita na
mula sa Dios?
1. Walang salitang
mula sa Dios na ‘di may kapangyarihan … LUK. 1:37
Luk 1:37 Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di
may kapangyarihan.
Ito
ang winika ng anghel na si Gabriel nang magpakita kay Maria na ina ni Jesus na
nuon ay magaasawa pa lamang kay Jose bago sila magsama (Lukas 1:27-28). Ipinaliwanag ng anghel kay Maria na siya ay
maglilihi at manganganak ng isang lalake na tatawagin niya sa pangalang Jesus
(Lukas 1:31) at si Elisabet na kamag-anak ni Maria bagamat sa kanyang katandaan
at dating baog ay nagdadalantao na ng anim na buwan (Lukas 1:36). Ang mga bagay na ito na kagilagilalas na
imposible maganap para sa tao ay tunay na magaganap at naganap nga dahil
sinalita ito ng Dios. Kaya nga ay sinabi
ng anghel kay Maria na “Sapagkat walang salitang mula sa Dios na di may
kapangyarihan” (Lukas 1:37).
2. Ang salita ng
Dios ay buhay at mabisa … HEB. 4:12
Heb 4:12 Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at
mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon
hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak,
at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.
Ang
salita ng Dios ay buhay, at mabisa at matalas.
Ito’y hindi sa titik lamang kundi bagkus ay kumikilos sa buhay ng tao
lalo na sa mga nagsisisampalataya. Gayon
din ang pagpapaliwanag ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonica kung
paano tinanggap ang salita ng Dios na ipinangaral sa kanila na ito ay tinanggap
nila hindi bilang isang karaniwang salita lamang ng tao kung bagkus bilang
salita ng Dios na nagkaroon na pagkilos sa buhay nila:
1Th 2:13 At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat
na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na
ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Dios, ay inyong tinanggap na
hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Dios,
na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya.
Gaya ng nasabi na ng una na walang
salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.
Kapag sinalita ng Dios sigurado na magkakaroon ng katuparan at kaganapan
gaya ng sinabi mismo ng Dios sa aklat ni Isaias:
3. Ang salita ng
Dios ay hindi babalik sa kaniya ng walang bunga … ISA. 55:11
Isa 55:11 Magiging gayon ang aking salita na lumalabas
sa bibig ko: hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganap ng
kinalulugdan ko, at giginhawa sa bagay na aking pinagsuguan.
Ang
salita ng Dios na lumalabas sa Kanyang bibig ay hindi babalik sa kanya ng
walang bunga. Ibig sabihin ay tunay na
magkakaroon ng resulta o kaganapan ang lahat Niyang sinalita. Gayun din ang sinabi ng Dios sa isang
propesiya na isinulat ni Isaias:
4. Sinalita ng Dios,
kaniyang papangyayarihin, pinanukala ng Dios, kaniyang gagawin … ISA.
46:11
Isa 46:11 “...aking sinalita, akin namang
papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.”
Isa
pa sa napakagandang katangian ng salita ng Dios ay ang napasulat sa Apocalipses
nang Kanyang ipinakita kay apostol Juan ang ilan sa magaganap sa hinaharap
tungkol sa magiging kalagayan ng mga maliligtas kapag sila ay nakarating na sa
bayang banal:
5. Ang mga salitang
kaniyang ipinasulat ay tapat at tunay … APOC. 21:5
Rev 21:5 At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi,
Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo:
sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay.
Mahalaga
din na mapuna sa Apoc 21:5 na sinabi ng Dios na “isulat mo” na siniguro nga ng Dios na mapasulat ang nais
Niya na nagbibigay diin naman na sadyang napakahalaga ng mga salita ng Dios na
napasulat. Ang napakalaking dahilan ng
ito ay ang sumunod Nyang sinabi na “Sapagkat ang mga salitang ito ay
TAPAT at TUNAY”.
III. Ano-ano ang ilang mga sinalita nuon
ng Dios na napasulat sa Biblia na
nagkaroon ng kaganapan, na ang mga ito’y nagpapatunay nga na tutoong Salita ng
Dios ang Biblia?
Sa bahaging ito ay kukuha tayo ng ilan
lamang sa napakaraming mga bagay na sinalita ng Dios nuong una na napasulat sa
Biblia na nagkaroon ng katuparan at pawang nasaksihan ng kasaysayan ng
daigdig. Ngunit bago iyan ay tingnan
muna natin ang isang napakahalagang pamantayan na sinabi ng Biblia tungkol sa
mga hula o propesiya:
1. Ang mga hula na
taglay nito, ay may pangyayari … JER. 28:9
Jer 28:9 Ang propeta, na nanghuhula ng tungkol sa
kapayapaan, ay makikilala nga siyang propeta, na tunay na sinugo ng Panginoon
siya, pagka ang salita ng propeta ay mangyayari.
Papaano makikilala kung ang isang propeta
ay tunay na sinugo ng Dios? Ang sabi ng
talata (Jeremias 28:9) “pagka ang salita ng propeta ay mangyayari”. Ganyan din ang sinabi ni Moises nuong
unang panahon sa ikakikilala na ang isang propeta nga ay galing sa Dios:
Deu 18:21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso:
Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon?
Deu 18:22 Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa
pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari,
ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay
nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.
- Ang pagdating ng mga panahong mapanganib dahil sa pagsama ng ugali ng tao sa mga huling araw … 2 TIM 3:1-5
- Ang pagbagsak ng templo sa Jerusalem na nagkaroon ng kaganapan nuong 70 AD ayon sa kasaysayan … MAT. 24:1-2
- Ang mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan …MAT 24:6-8
- Ang muling pagtatag ng bansang Israel na nagkaroon ng kaganapan nuong 1948 …AMOS 9:14-15 (p. 1294).
- Ang mga hula tungkol kay “Cyrus the Great” na pati ang kaniyang pangalan ay naisulat – humigit kumulang sa 120 years bago ito maganap sa kasaysayan ISA. 44:28; 45:1,13; 46:11
IV. ARAL:
1. Ang tao ay hindi
lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng
Dios … MAT. 4:4; DEUT. 8:3
-Wakas-
No comments:
Post a Comment